Biyernes, Setyembre 25, 2015

Ang Abstract ng Buhay Ko


Ang Abstract ng Buhay Ko
(totoong buhay)
ni Jea Mae Duclayan

Sabi nila ang buhay daw ay parang isang abstract painting, magulo, hindi mo maintindihan, yung tipong sasakit lang ang ulo mo kakaisip, ngunit kung tititigan mo at kung bibigyan mo lang ng halaga ito, makikita mo ang kagandahan.

Ako si Kala, isang ordinaryong tao ngunit may isang napakalalim na kwento. Bata pa lamang ako, mulat na ang mga mata ko sa katotohanang hindi kailanman magiging buo ang pamilya ko. Akala ko ay magkakaroon ng pag-asa dahil noong una naman ay Masaya kami.

Hindi kasal ang mga magulang ko, yung tipong live-in lang, bata lang kasi sila noong nabuntis ni Papa si Mama, at noong una daw ay ayaw ni Lola si Papa para kay Mama kaya nagtanan ang mga ito nagpuntang Maynila at sa kasamaang palad nalaglag ang pinagbubuntis ni Mama, ngunit hindi sila sumuko sa kanilang relasyon, nanirahan sila kina Inang, Mama ng Papa ko, at nabuntis ulit si Mama at ako iyon.

Masaya noong una lalo pa noong dumating ako ngunit hindi naglaon ay kinailangan nilang mangibang bansa upang mabuhay ako at mapag-aral, si Mama ay nagtungo sa Hong Kong at si Papa ay nagtungo sa Korea, naiwan ako kay Inang at Tatang. Hindi ko man kapiling sila Mama ay hindi naman ako pinabayaan nila Inang ngunit araw-araw palaging may kulang sa akin noong una ay hindi ko maintindihan dahil mayroon naman silang pinapadalang mga laruan sa akin palagi, iyon pala ay namimiss ko na ang mga magulang ko akalain ninyong isa o dalawang beses lamang umuwi ang mga magulang ko para magbakasyon pagkatapos ay tatlong buwan lamang.

Tuwang-tuwa ako noong umuwi na si Papa galing Korea at sinabing hindi na babalik doon, naalala ko noon sinabi niya sakin ang mga katagang “Hindi na kita iiwan ulit anak”, si Mama na lamang ang kulang at hindi nagtagal ay umuwi naman si Mama, ikakasal daw kasi sila ni Papa kahit hindi engrande basta ang importante ay maikasal daw sila. Sa wakas ay mapapalitan na ng apelyido ni Papa ang ginagamit kong apelyido, ang apelyido kasi ni Mama ang gamit ko. Pagkatapos nilang ikasal ay bumalik din agad si Mama sa ibang bansa, at pagkatapo noon ay tila parang isang iglap na naging malabo ang relasyon ng mga magulang ko. Nagigising ako sa gabing kausap ni Papa si Mama sa telepono at sumisigaw, kesyo nagsusumbatan sila kung bakit pa sila nagpakasal gayong dahil lang naman daw sa akin kung bakit pumayag si Papa. Iyak ako ng iyak noong mga pagkakataong iyon, dahil na lamang pala sa akin kung bakit nagpakasal ang mga magulang ko at hindi dahil mahal nila ang isat’isa.



“Kala! Hoy!” nagulat ako sa sigaw ng pinsan ko, si Ate Amity, isang taon lamang ang agwat namin pero ate parin ang tawag ko sakanya, tinuturing ko siyang bestfriend dahil noong bata pa lamang kami ay lagi siyang nandyan para sa akin. Kanina ko pa kasi inaalala lahat ng mga pangyayari sa buhay ko. Araw-araw na ganoon ang nangyayari, hanggang sa nasanay na lamang ako , hindi nadin bumalik sa bahay nila Inang si Mama, sa tuwing uuwi ito galing Hong Kong ay kay Lola ito umuuwi at pumupunta na lamang ako sa kanila upang makasama siya. Nasa high school na ako ng mabalitaan kong may iba na si Mama, hindi ko bago iyon sa akin dahil maging si Papa man ay may bago na din, ngunit hindi nawawala ang pagmamahal ko sakanila at kahit malabo ay umaasa ako na kahit papaano ay magbalikan sila.

“Ano nga ulit ang sabi mo ate?” tanong ko sakanya. Inirapan naman niya ako, napangiti na lang ako.

“Ang sabi ko, tapos na akong magdrawing, patingin naman ng iyo!” hinablot nito ang aking drawing na kanina ko pa natapos.

“Ang pangit talaga ng drawing ko! tignan mo itong sa’yo ang ganda” napangiti ako sa pagmamaktol ng pinsan ko na parang bata, hindi naman talaga mahilig magdrawing ang pinsan ko pero dahil mahilig ako sa pagdradrawing at kahit sa pagpinta ay sinasabayan na niya ako.

“sabi ko naman kasi sa’yo ate huwag kanang magdrawing ibibigay ko nalang itong drinawing ko sa’yo” habang nagtatawanan kami ay naririnig ko nanaman ang pag-uusap nila Papa at Mommy, mommy ni ate Amity at mommy na din ang tawag ko sakanya.

“Wala talagang kwenta yung nanay nitong anak ko oh, mas inuuna pa niyang padalhan yung lalaki niya kasya sakanyang nangangailangan para sa eskwela niya” nagtinginan kami ni Ate Amity, nakita ko sa mga mata niya yung mga tanong na”Okay ka lang ba?” alam kong hindi niya man masabi ngunit naaawa siya sa kalagayan ko.

“Hayaan mo na kasi ‘yun, kung ayaw niya eh di huwag, mabubuhay kayo ng wala siya” rinig ko namang sagot ni Mommy kay Papa.

 Minsan, naiinis ako kay Mama, kasi kapag may kailangan akong gamit sa paaralan ay lagi niyang sinasabing wala pero kapag ang bago ni Mama naman ay puro meron. Nasanay na ako sa laging ganyang eksena.






“Ehh Ayoko nga‼‼!” sigaw ko sa papa ko ng ipilit niya ang minsang gusto niyang mangyare ngunit ayaw ko, alam ko namang ikabubuti ko ngunit matigas ang ulo ko, pasaway at hindi nakikinig sa magulang.

“Nagtangkin ta ulom! Makamu ka ta nga ubing! Sayaatim man ta pinagugugalim ah‼” pikong sabi ni Papa at saka umalis.

Ako naman ay tumungo na lamang sa aking kwarto kung saan lagi akong nag-iisa at mas ginugusto na lamang magdrawing at magpinta, dito lang naman ako sumasaya eh. Dito lang ako nakakalimot ng mga hindi magaganda.

Sabi ng ilan, ang pangit daw ng ugali ko, yung tipong walang respeto, kung sumagot sa mga nakakatanda ay pabalang at walang hiya, sabi nila ganito daw talaga pag walang tamang gabay galing sa magulang, kung mga lolo at lola lang ang nagpapalaki.

Bakit? Paano ba ang ugali kapag may tamang gabay ng magulang? Madaming galit sa akin dahil wala daw akong modo, pati minsan sina Mommy ay napapagalitan ako dahil hindi daw maganda ang pakikitungo ko sakanila.

Ano ba dapat? Hindi ko alam eh. Hindi ko maintindihan kung bakit! Bakit ba kasi sa akin nangyayari lahat ng ito! Hindi ko ginugusto na hindi na mahal ng mga magulang ko ang isa’t isa. Hindi ko gusto na lagi na lang silang nag-aaway at mas lalong hindi ko gusto na naririnig kong nagsasalitaan sila ng mga masasama.

Hindi ko ‘to gusto at hindi ko maintindihan!

Minsan may narinig akong sinabi ng pinsan k okay Ate Amity,

“Ang pangit talaga ng ugali ni Kala!” rinig kong sabi ng isa naming pinsan kay Ate.

“Ano kaba! Hindi mo parin ba naiintindihan? Kaya siya ganun ay dahil kulang lang siya sa pagmamahal, imbes na hinuhusgahan natin siya, bakit hindi natin iparamdam na mahalaga siya sa atin, yun lang naman yung gusto niya eh” noong mga panahong iyon, nagpasalamat ako dahil may isang taong hindi kailanman ako hinusgahan.





Bago ako magtapos ng highschool tinanong ako ni Mama kung anong gusto kong kuning kurso.

“Ano bang gusto mong kurso?” natuwa ako dahil kahit papano ay tinanong niya ako kung anong gusto ko.

“gusto ko po sana Mama Architect” gustong gusto ko talaga kasi ang magdrawing, magpainting o kahit na anong may kinalaman sa pagguhit!

“Hindi natin kaya ang Architect! Magcommerce ka na lamang o kaya ay I.T” sana ay hindi na lamang niya ako tinanong! Masakit umasa! Akala ko ay makukuha ko ang gusto ko.

I.T ang kinuha kong kurso, tinulungan ako ni Ate Amity na magenroll sa paaralang gusto ni Mama, gusto ko sana sa paaralan ni Ate pero baka daw hindi niya kaya. Hindi niya kaya? O baka natatakot siyang hindi niya nanaman mabigyan ng pera ang bago niya dahil sa akin? Naiinis ako minsan ngunit hindi ko magawang sumbatan siya dahil Mama ko siya at mahal ko siya!

Nakitira ako kina Ate Amity habang nag-aaral ng kolehiyo. Araw-araw nakikita ko kung paano alagaan ni Mommy sina Ate Amity. Naiinggit ako! Hindi dapat ngunit naiinggit ako! Sana ay inaalagaan din ako!

Hindi ko nanaman mapigilan magtanong! Bakit parang napakamiserable ko!

Akala ko ay maiintindihan ako ni Mommy sa lahat ng nangyayari sa akin ngunit nagkamali ako, madalas lagi niya akong sinesermonan dahil sa ugali kong hindi maganda, ngunit minsan sinasabihan nalang din ako ni Ate Amity na magtake slow nalang daw ako sa kilos ko at mga salita ko dahil hindi lahat ng tao naiintindihan ako.

Sa paaralan, madami akong naging kaibigan, madaming nakaintindi sa akin na gaya ng pagiintindi ni Ate Amity, sa paaralan nakahanap ako ng mga taong mapagsasabihan ko ng problema ko ng gaya ni Ate Amity, hindi naman pala puro pagiging miserable ang buhay ko at nagpapasalamat ako doon! Maswerte pa rin ako.

Naging maganda ang kolehiyo ko kahit papano, sumali ako ng mga pageant para sa school programs! Ang saya! Sobrang saya! Kahit papaano ay nakalimutan kong may iba pala akong problema sa buhay ko!
Nasali din ako sa school paper namin sa school! Isa ako sa mga taga drawing ng mga comics o kahit na anong kailangan para sa school paper.

“Ate! Meron na yung school paper namin, andito na yung mga drinawing ko!” linabas ko iyong isang librog punong puno ng compilation ng mga tula ng bawat estudyante ng paaralan namin, at isa  ako sa mga nagdrawing ng mga illustrations ng mga ito.

“Ang galing mo talagang magdrawing! Pag ako naging teacher talaga! Ikaw taga-drawing ng mga IMs ko HAHAHAHA” natatawang sabi niya sa akin.

“Naku Ate! Basta may libreng pagkain ako sa’yo kahit araw-araw pa!” Nagtawanan na lamang kami pareho!

Naenjoy ko din ang kurso ko! lalo na kapag sabay kami ni Ate Amity na magedit ng mga video presentations!

“Congrats Kala! Pasensya na hindi ko napanood yung pageant” salubong sa akin ni Ate Amity noong paguwi ko minsan galing sa pageant ng school namin.

“Ayos lang ate hindi naman ako nanalo” sabi ko! hindi kasi talaga ako nanalo eh, minor prize lang ang nakuha ko.

“Pero siya ang pinakamaganda at pinakamagaling” pagmamalaki ni Mommy! Ipinagmalaki nila ako! Ngumiti sa akin si Ate Amity!

“Sayang hindi ko napanood! Sa susunod manonood na talaga ako!”

“Hali na muna kayo dito! Kakain na muna ng meryenda! Pagod na pagod tayong lahat” Nagtinginan kaming magpipinsan at tumawa!

Minsan kahit gaano pa kagulo ang buhay o kahit gaano pa ito kasaklap! May mga pagkakataon parin na maganda ang kakalabasan nito! Gaya nga ng isang abstract painting ang buhay! Magulo ito oo pero may ganda parin itong taglay kung titignan mo.


Gaya nga ng nauna kong sabi, naniniwala ako na isang abstract painting ang buhay. Madalas magulo, madalas hindi mo maintindihan, madalas mabwibwisit ka nalang dahil hindi mo mahanap ang tamang sagot pero hindi naman magiging maganda ang isang abstract painting kung hindi ito magulo at hindi naiintindihan. Ang importante sa huli? Makikita mo kung bakit ganito ang mga nangyayari, magtiwala ka lang may maganda rin itong dahilan.

Sabado, Agosto 1, 2015

Ang Mapangrason na si Tonton

Ang Mapangrason na si Tonton
Ni: Jea Mae Duclayan



Isang araw, tinawag ni Dondon tipaklong, si Tonton langgam para magtrabaho ngunit tamad ito kaya lagi itong nagrarason, lagi siyang napagbibigyan dahil ang alam nila ay totoo ang sinasabi niya, ngunit isang araw nabuking siya, nawalan si Dondon ng tiwala sakanya at hindi na siya pinaniwalaan.

Pagkatapos kumain almusal tinawag ni Dondon ang kaibigan ngunit sa hindi inaasahang pangyayari sumakit tiyan ni Tonton, hindi ito pinaniwalaan Dondon dahil ang alam nito ay nagrarason nanaman siya. Natagalan bago niya mapagtanto na totoo ang sinasabi nito noong pawis na pawis na ito at namumuti, sa awa na lamang sa kaibigan ay tinulungan na niya ito.

Doon napagtanto ni Tonton langgam na hindi dapat siya nagrarason at mga katotohanan lamang ang dapat sinasabi dahil baka sa kanyang ginagawa ay maaraing manganib ang kanyang sariling buhay o mawalan ng tiwala ang kaniyang mga matatalik na kaibigan.

Lunes, Hulyo 27, 2015

Tiyanak: Ang totoong kwento
Ni: Jea Mae A. Duclayan
Bagong salta kami ng aking kinakasama dito sa isang barangay sa La Union. Nagtanan kami sa kadahilanang hindi tanggap n gaming mga magulang ang aming pagmamahalan, kaya para makalayo sa kanila ay bumiyahe pa kami galing sa Maynila papunta dito sa La Union, ngunit sa pag-aakala namin na tapos na ang problema namin ay doon kami nagkakamali para bang isang napakaling pagkakamali na napadpad pa kami sa lugar na ito.
“ito ang bahay na sinasabi kong titirahan natin, ito ang pinakamura kaya ito na ang kinuha ko, kasama natin ang may-ari ng bahay dahil mag-isa lang naman niya diyan.” tumango ako sa tinuran ng aking kinakasama na si Tado, wala namang problema sa akin na kasama ang may-ari sa bahay. Pinagmasdan ko ang bahay, kapansin-pansin ang kalumaan nito dahil sa gawa ito sa kahoy kinilabutan ako ng hindi ko malaman ang dahilan ngunit mas tumindig ang mga balahibo ko nang makapasok ako sa loob. Bakit ganito? Bakit tila ang dilim at hindi man lamang buksan ang mga bintana.
“andyan na pala kayo” napalingon kami pareho sa nagsalita sa aming likuran, matandang dalaga ito at nasa singkwenta pataas ang edad.
“magandang umaga po manag Lusing… bati sakanya ni Tado …siya po ang sinasabi kong kinakasama ko si Tina”. Tumango ang matanda at tinuro sa amin ang aming magiging kwarto ngunit bago iyon nagtapos ay tinuro niya ang isang silid sa dulo ng pasilyo “huwag kayong papasok diyan sa silid iyon” hindi na kami nagtanong dahil baka pribadong silid iyon.
Nagpunta si Tado sa bayan upang bumili supplies namin dito sa bahay, nainip ako kaya nilibot ko muna ang buong bahay, bubuksan ko sana ang isang bintana ngunit pinigilan ako ni Manag Lusing.
“huwag mong bubuksan iyan iha, magagalit ang anak ko” napakunot ang nook o, may anak si manang? Ngunit akala ko ay matandang dalaga ito? Magtatanong sana ako ngunit dumating na si Tado.
“hindi ka ba nagtataka na may anak si manang Lusing?” minsang tanong ko ‘kay Tado ngunit gaya ng inaasahan ko ay nabakas ko sa mukha niya ang pagtataka.
“May anak si manang? Hindi ba’t matandang dalaga siya?”
“’yon ang sabi niya” pagkikibit balikat ko. Hinayaan na lang namin at minabuting isipin na baka ampon niya iyon.
Isang hating gabi, nagising ako sa lakas ng iyak sa katabing silid namin, iyon ay ang silid sa dulo ng pasilyo, hindi sana ako tatayo ngunit mas lumakas ang iyak, kung bakit hindi nagigising si Tado? Ay dahil umiinom ito ng sleeping pills, mahirap kasi itong makatulog kaya ganoon.
Gabi-gabi ay ganoon lagi ang nangyayari ngunit hindi namin ito pinapansin dahil sa anak marahil ito ni manag Lusing at nagigising lang sa gitna ng gabi, minsan ay pakiramdam ko rin parang may mga matang nagmamatyag sa amin habang natutulog.
 Nahanap ko na lamang ang sarili kong nasa labas na ng silid, dinikit ko ang aking tainga sa pintuan.
“hindi ako papayag na mandamay ka ng mga inosenteng tao!” sino ang kinakausap ni manang? Ang anak niya? Bakit may madadamay na ibang tao? Wala akong ibang narinig na sagot kundi isang malakas na kalabog lamang ang narinig ko at isang tili ni manang Lusing.
Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan, gusto kong tumakbo sa takot ngunit hindi kumikilos ang aking mga paa, biglang bumukas ang pintuan at iniluwa nito si manang Lusing na pawis na pawis, takot na takot at gulat na gulat nang makita niya ako.
“umalis na kayo? Nanganganib na ang buhay ninyo, hindi ko na sana kayo tinaggap pa” nilingon niya ang likuran ko na tila may hinahanap.
“nasaan ang iyong kinakasama?”
“natutulog po sa kwarto, bakit po ba anong nangyayari?” nagulat si manang at dali-daling tinungo ang silid namin.
Nagulat ako sa aking nadatnan, ang walang kamalay-malay na si Tado ay inaatake ng isang nilalang na parang bata ngunit kulubot ang mga balat nito na parang matanda, may kalakihan ang mata at bibig. Isang tiyanak! Yan lamang ang naiisip ko!
“huwag‼!” pigil sakanya ni manang Lusing, gusto ko din sumigaw ngunit takot na takot ako. Totoo ang mga tiyanak!
“huwag sila ang idamay mo… Ako nalang anak!… Ako ang gusto mo hindi ba? Patawarin mo ako kung ipinalaglag kita, hindi ko ginusto iyon ngunit kinakailangan dahil itatakwil ako ng mga magulang ko” nagsimula nang umiyak at lumuhod si manag Lusing.
Unti-unting lumapit ang tiyanak sakanya at nagiging maamo ito na parang isang tunay na sanggol. Yinakap ito ni manang Lusing.
“patawad anak! Hindi ko ginusto! Nagsisisi na ako!” patuloy parin ang pag-iyak nito, unti-unting hinaplos ng nilalang ang mukha ni manang pakiwari’y napatawad na niya ito, hindi naglaon ay naglaho na ito.

Tumakbo ako kay Tado na ngayon ay naliligo sa kanyang sariling dugo, wala akong nagawa kundi ang umiyak at humagulgol! Bago magumaga ay inilibing namin ang katawan ni Tado sa may likod bahay dahil ayokong malaman ng lahat ang nangyari, binalikan din ni Manang Lusing ang pinaglibingan ng fetus at nagalay ng bulaklak at dasal.