Sabi nila ang buhay daw ay parang isang abstract painting, magulo, hindi mo
maintindihan, yung tipong sasakit lang ang ulo mo kakaisip, ngunit kung
tititigan mo at kung bibigyan mo lang ng halaga ito, makikita mo ang
kagandahan.
Ako si Kala, isang ordinaryong tao ngunit may
isang napakalalim na kwento. Bata pa lamang ako, mulat na ang mga mata ko sa
katotohanang hindi kailanman magiging buo ang pamilya ko. Akala ko ay
magkakaroon ng pag-asa dahil noong una naman ay Masaya kami.
Hindi kasal ang mga magulang ko, yung tipong live-in lang, bata lang kasi sila noong
nabuntis ni Papa si Mama, at noong una daw ay ayaw ni Lola si Papa para kay
Mama kaya nagtanan ang mga ito nagpuntang Maynila at sa kasamaang palad
nalaglag ang pinagbubuntis ni Mama, ngunit hindi sila sumuko sa kanilang
relasyon, nanirahan sila kina Inang, Mama ng Papa ko, at nabuntis ulit si Mama
at ako iyon.
Masaya noong una lalo pa noong dumating ako
ngunit hindi naglaon ay kinailangan nilang mangibang bansa upang mabuhay ako at
mapag-aral, si Mama ay nagtungo sa Hong Kong at si Papa ay nagtungo sa Korea,
naiwan ako kay Inang at Tatang. Hindi ko man kapiling sila Mama ay hindi naman
ako pinabayaan nila Inang ngunit araw-araw palaging may kulang sa akin noong
una ay hindi ko maintindihan dahil mayroon naman silang pinapadalang mga laruan
sa akin palagi, iyon pala ay namimiss ko na ang mga magulang ko akalain ninyong
isa o dalawang beses lamang umuwi ang mga magulang ko para magbakasyon
pagkatapos ay tatlong buwan lamang.
Tuwang-tuwa ako noong umuwi na si Papa galing
Korea at sinabing hindi na babalik doon, naalala ko noon sinabi niya sakin ang
mga katagang “Hindi na kita iiwan ulit anak”, si Mama na lamang ang kulang at
hindi nagtagal ay umuwi naman si Mama, ikakasal daw kasi sila ni Papa kahit
hindi engrande basta ang importante ay maikasal daw sila. Sa wakas ay
mapapalitan na ng apelyido ni Papa ang ginagamit kong apelyido, ang apelyido
kasi ni Mama ang gamit ko. Pagkatapos nilang ikasal ay bumalik din agad si Mama
sa ibang bansa, at pagkatapo noon ay tila parang isang iglap na naging malabo
ang relasyon ng mga magulang ko. Nagigising ako sa gabing kausap ni Papa si
Mama sa telepono at sumisigaw, kesyo nagsusumbatan sila kung bakit pa sila
nagpakasal gayong dahil lang naman daw sa akin kung bakit pumayag si Papa. Iyak
ako ng iyak noong mga pagkakataong iyon, dahil na lamang pala sa akin kung
bakit nagpakasal ang mga magulang ko at hindi dahil mahal nila ang isat’isa.
“Kala!
Hoy!” nagulat ako sa sigaw
ng pinsan ko, si Ate Amity, isang taon lamang ang agwat namin pero ate parin
ang tawag ko sakanya, tinuturing ko siyang bestfriend dahil noong bata pa lamang
kami ay lagi siyang nandyan para sa akin. Kanina ko pa kasi inaalala lahat ng
mga pangyayari sa buhay ko. Araw-araw na ganoon ang nangyayari, hanggang sa
nasanay na lamang ako , hindi nadin bumalik sa bahay nila Inang si Mama, sa
tuwing uuwi ito galing Hong Kong ay kay Lola ito umuuwi at pumupunta na lamang
ako sa kanila upang makasama siya. Nasa high school na ako ng mabalitaan kong
may iba na si Mama, hindi ko bago iyon sa akin dahil maging si Papa man ay may
bago na din, ngunit hindi nawawala ang pagmamahal ko sakanila at kahit malabo
ay umaasa ako na kahit papaano ay magbalikan sila.
“Ano
nga ulit ang sabi mo ate?” tanong
ko sakanya. Inirapan naman niya ako, napangiti na lang ako.
“Ang
sabi ko, tapos na akong magdrawing, patingin naman ng iyo!” hinablot nito ang aking drawing na kanina ko
pa natapos.
“Ang
pangit talaga ng drawing ko! tignan mo itong sa’yo ang ganda” napangiti ako sa pagmamaktol ng pinsan ko na
parang bata, hindi naman talaga mahilig magdrawing ang pinsan ko pero dahil
mahilig ako sa pagdradrawing at kahit sa pagpinta ay sinasabayan na niya ako.
“sabi
ko naman kasi sa’yo ate huwag kanang magdrawing ibibigay ko nalang itong
drinawing ko sa’yo” habang
nagtatawanan kami ay naririnig ko nanaman ang pag-uusap nila Papa at Mommy,
mommy ni ate Amity at mommy na din ang tawag ko sakanya.
“Wala
talagang kwenta yung nanay nitong anak ko oh, mas inuuna pa niyang padalhan
yung lalaki niya kasya sakanyang nangangailangan para sa eskwela niya” nagtinginan kami ni Ate Amity, nakita ko sa
mga mata niya yung mga tanong na”Okay ka lang ba?” alam kong hindi niya man
masabi ngunit naaawa siya sa kalagayan ko.
“Hayaan
mo na kasi ‘yun, kung ayaw niya eh di huwag, mabubuhay kayo ng wala siya” rinig ko namang sagot ni Mommy kay Papa.
Minsan,
naiinis ako kay Mama, kasi kapag may kailangan akong gamit sa paaralan ay lagi
niyang sinasabing wala pero kapag ang bago ni Mama naman ay puro meron. Nasanay
na ako sa laging ganyang eksena.
“Ehh
Ayoko nga‼‼!” sigaw ko sa
papa ko ng ipilit niya ang minsang gusto niyang mangyare ngunit ayaw ko, alam
ko namang ikabubuti ko ngunit matigas ang ulo ko, pasaway at hindi nakikinig sa
magulang.
“Nagtangkin
ta ulom! Makamu ka ta nga ubing! Sayaatim man ta pinagugugalim ah‼” pikong sabi ni Papa at saka umalis.
Ako naman ay tumungo na lamang sa aking
kwarto kung saan lagi akong nag-iisa at mas ginugusto na lamang magdrawing at
magpinta, dito lang naman ako sumasaya eh. Dito lang ako nakakalimot ng mga
hindi magaganda.
Sabi ng ilan, ang pangit daw ng ugali ko,
yung tipong walang respeto, kung sumagot sa mga nakakatanda ay pabalang at
walang hiya, sabi nila ganito daw talaga pag walang tamang gabay galing sa
magulang, kung mga lolo at lola lang ang nagpapalaki.
Bakit? Paano ba ang ugali kapag may tamang
gabay ng magulang? Madaming galit sa akin dahil wala daw akong modo, pati
minsan sina Mommy ay napapagalitan ako dahil hindi daw maganda ang pakikitungo
ko sakanila.
Ano ba dapat? Hindi ko alam eh. Hindi ko
maintindihan kung bakit! Bakit ba kasi sa akin nangyayari lahat ng ito! Hindi
ko ginugusto na hindi na mahal ng mga magulang ko ang isa’t isa. Hindi ko gusto
na lagi na lang silang nag-aaway at mas lalong hindi ko gusto na naririnig kong
nagsasalitaan sila ng mga masasama.
Hindi ko ‘to gusto at hindi ko maintindihan!
Minsan may narinig akong sinabi ng pinsan k
okay Ate Amity,
“Ang
pangit talaga ng ugali ni Kala!”
rinig kong sabi ng isa naming pinsan kay Ate.
“Ano
kaba! Hindi mo parin ba naiintindihan? Kaya siya ganun ay dahil kulang lang
siya sa pagmamahal, imbes na hinuhusgahan natin siya, bakit hindi natin
iparamdam na mahalaga siya sa atin, yun lang naman yung gusto niya eh” noong mga panahong iyon, nagpasalamat ako
dahil may isang taong hindi kailanman ako hinusgahan.
Bago ako magtapos ng highschool tinanong ako
ni Mama kung anong gusto kong kuning kurso.
“Ano
bang gusto mong kurso?” natuwa
ako dahil kahit papano ay tinanong niya ako kung anong gusto ko.
“gusto
ko po sana Mama Architect”
gustong gusto ko talaga kasi ang magdrawing, magpainting o kahit na anong may
kinalaman sa pagguhit!
“Hindi
natin kaya ang Architect! Magcommerce ka na lamang o kaya ay I.T” sana ay hindi na lamang niya ako tinanong!
Masakit umasa! Akala ko ay makukuha ko ang gusto ko.
I.T ang kinuha kong kurso, tinulungan ako ni
Ate Amity na magenroll sa paaralang gusto ni Mama, gusto ko sana sa paaralan ni
Ate pero baka daw hindi niya kaya. Hindi niya kaya? O baka natatakot siyang
hindi niya nanaman mabigyan ng pera ang bago niya dahil sa akin? Naiinis ako
minsan ngunit hindi ko magawang sumbatan siya dahil Mama ko siya at mahal ko
siya!
Nakitira ako kina Ate Amity habang nag-aaral
ng kolehiyo. Araw-araw nakikita ko kung paano alagaan ni Mommy sina Ate Amity.
Naiinggit ako! Hindi dapat ngunit naiinggit ako! Sana ay inaalagaan din ako!
Hindi ko nanaman mapigilan magtanong! Bakit
parang napakamiserable ko!
Akala ko ay maiintindihan ako ni Mommy sa
lahat ng nangyayari sa akin ngunit nagkamali ako, madalas lagi niya akong
sinesermonan dahil sa ugali kong hindi maganda, ngunit minsan sinasabihan
nalang din ako ni Ate Amity na magtake slow nalang daw ako sa kilos ko at mga
salita ko dahil hindi lahat ng tao naiintindihan ako.
Sa paaralan, madami akong naging kaibigan,
madaming nakaintindi sa akin na gaya ng pagiintindi ni Ate Amity, sa paaralan
nakahanap ako ng mga taong mapagsasabihan ko ng problema ko ng gaya ni Ate
Amity, hindi naman pala puro pagiging miserable ang buhay ko at nagpapasalamat
ako doon! Maswerte pa rin ako.
Naging maganda ang kolehiyo ko kahit papano,
sumali ako ng mga pageant para sa school programs! Ang saya! Sobrang saya!
Kahit papaano ay nakalimutan kong may iba pala akong problema sa buhay ko!
Nasali din ako sa school paper namin sa
school! Isa ako sa mga taga drawing ng mga comics o kahit na anong kailangan
para sa school paper.
“Ate!
Meron na yung school paper namin, andito na yung mga drinawing ko!” linabas ko iyong isang librog punong puno ng
compilation ng mga tula ng bawat estudyante ng paaralan namin, at isa ako sa mga nagdrawing ng mga illustrations ng
mga ito.
“Ang
galing mo talagang magdrawing! Pag ako naging teacher talaga! Ikaw taga-drawing
ng mga IMs ko HAHAHAHA”
natatawang sabi niya sa akin.
“Naku
Ate! Basta may libreng pagkain ako sa’yo kahit araw-araw pa!” Nagtawanan na lamang kami pareho!
Naenjoy ko din ang kurso ko! lalo na kapag
sabay kami ni Ate Amity na magedit ng mga video presentations!
“Congrats
Kala! Pasensya na hindi ko napanood yung pageant” salubong sa akin ni Ate Amity noong paguwi ko
minsan galing sa pageant ng school namin.
“Ayos
lang ate hindi naman ako nanalo”
sabi ko! hindi kasi talaga ako nanalo eh, minor prize lang ang nakuha ko.
“Pero
siya ang pinakamaganda at pinakamagaling” pagmamalaki ni Mommy! Ipinagmalaki nila ako! Ngumiti sa akin si
Ate Amity!
“Sayang
hindi ko napanood! Sa susunod manonood na talaga ako!”
“Hali
na muna kayo dito! Kakain na muna ng meryenda! Pagod na pagod tayong lahat” Nagtinginan kaming magpipinsan at tumawa!
Minsan kahit gaano pa kagulo ang buhay o
kahit gaano pa ito kasaklap! May mga pagkakataon parin na maganda ang
kakalabasan nito! Gaya nga ng isang abstract painting ang buhay! Magulo ito oo
pero may ganda parin itong taglay kung titignan mo.
Gaya nga ng nauna kong sabi, naniniwala ako
na isang abstract painting ang buhay. Madalas magulo, madalas hindi mo
maintindihan, madalas mabwibwisit ka nalang dahil hindi mo mahanap ang tamang
sagot pero hindi naman magiging maganda ang isang abstract painting kung hindi
ito magulo at hindi naiintindihan. Ang importante sa huli? Makikita mo kung
bakit ganito ang mga nangyayari, magtiwala ka lang may maganda rin itong
dahilan.